Mga suspek sa pamamaslang sa Placer, Masbate arestado sa manhunt operation

SORSOGON CITY – Sabay na nadakma ang dalawang suspek sa pananaksak-patay sa bayan ng Placer sa manhunt operation na ikinasa ng pinagsamang puwersa ng Masbate City Police Station, Placer Municipal Police Station at Prov’l Intelligence Unit ng Masbate Police Provincial Office.

Nahuli ang dalawang suspek sa Brgy F. Magallanes sa lungsod ng Masbate. Kinilala ang mga ito na sina Retche Samson Laurente, 27-anyos, binataa at naninirahan sa Area II Big Banana, Sta Quiteria, Caloocan City, sa NCR at si Jordan Castillo Nepomuceno, 31-anyos, residente ng Brgy Nursery ng nasabing lungsod.

Kung babalikan, ang driver at nagdodoble bilang cook ng Catholic Parish Church na si Arnel Beroy Delapoz ay natagpuan sa kanyang silid na naliligo sa sariling dugo at wala ng buhay, umaga noong Nobyembre 4 ng kasalukuyang taon.

Ayon sa inisyal na ulat ng pulisya, ang biktima ay pinagsasaksak ng dalawang hindi kilalang salarin na nakunan ng CCTV camera habang palakad-lakad sa nasabing gusali na may dalang patalim.

Sa pamamagitan ng CCTV footages ay na-establisa ng mga awtoridad ang pagkakilanlan ng mga suspek.

Nitong Linggo, Noibyembre 7, dakong alas 11:45 ng gabi nang matunton ang mga ito ng mga operatiba sa nabanggit na lugar. Positibo ring kinilala ang dalawa ng mga saksi.

Pagnanakaw ang tinitingnan na motibo sa panloloob at pamamaslang sa biktima.

Mahaharap ang mga ito sa kasong robbery with homicide.

PHOTO: credits to the rightful owner

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *