Mga taga-Barangay GPS, Koronadal, nakaranas ng diskriminasyon dahil sa Covid-19

KORONADAL CITY — IKINALUNGKOT ni Punong Barangay Margarita Subaldo ng Barangay General Paulino Santos, Koronadal ang umano’y diskriminasyon na natatanggap ng mga residente nito dahil sa Covid-19.

Sa panayam ng Brigada News FM Koronadal kay Subaldo, nakatanggap umano ito ng reklamo ukol sa mga residente nitong hindi pinapadaan sa ibang barangay at hindi rin pinapapasok sa iilang commercial establishments kahit Movement Day ng mga ito.

Matatandaan na isa ang Barangay GPS sa dalawang barangay sa Koronadal na isinailalim sa Modified Enhanced Community Quarantine dahil sa tumataas na kaso ng Covid-19.

Ayon kay Subaldo, karapatan nilang lumabas sa kanilang Movement Day at mamili ng kanilang mga pangangailangan. Paliwanag nito na hindi lahat na mga taga-GPS ay apektado ng Covid-19.

Naka-quarantine na rin umano ang mga residenteng nag-positibo sa nasabing sakit dahilan kung bakit hindi umano magandang tratuhin silang lahat na parang may nakakahawang sakit. Sa ngayon, hinahanda na umano ng barangay ang tulong na ibibigay sa mga residenteng labis na naapektuhan ng MECQ implementation.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *