Migrant’s Brew ng OWWA Bicol, binuksan na sa Legazpi City kahapon

LEGAZPI CITY – Opisyal nang binuksan kahapon ng Overseas Workers’ Welfare Administration (OWWA) Bicol ang kanilang Migrant’s Brew sa Regional Welfare Office V sa Ayala Malls, Legazpi City.

Sa mensahe ni OWWA Bicol Regional Director Zenaida Ramos, sinabi niya na ito ay pag-level up ng kanilang customer service.

Binigyang-diin niya sa panayam ng Brigada News FM Legazpi na pa-welcome nila ito sa OFW clients, kung saan maaari silang makapagkape at makapag-snack nang libre.

Nilinaw ni Ramos, open ito sa lahat ng mga kliyente nila na makikipagtransaksyon sa kanilang tanggapan o hihingi ng tulong, at makakapagkape o snack sila habang naghihintay na matapos ang transaksyon nila sa OWWA.

Kung dati ay simpleng kapeng 3 in 1 sachets ang ibinibigay nila sa mga kliyente, mas pina-level up na ngayon sa pamamagitan ng Migrant’s Brew.

Itinampok dito ang iba’t ibang klase ng kape tulad ng Macchiato, Caramel Macchiato, Mocha, Latte, Americano, Dalgona Coffee at Brewed Coffee, kasama rin ang iba’t ibang pastries tulad ng cookies at cupcakes na binake mismo ng mga OWWA employees.

Una umanong inilunsad ang Migrant’s Brew ng OWWA noong 2022 na pinasimulan sa Pasay City, at ngayo’y pinalawak sa 17 mga rehiyon sa bansa.

Sa Bicol, una itong binuksan sa Legazpi City, at nakatakda namang mag-launch sa Naga City.

Samantala, ang Migrant’s Brew ay bukas maghapon, at anumang oras umano sila dumating ay mabibigyan agad sila ng kape.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *