Militar nanindigang walang mortar shelling na nangyari sa Datu Hoffer

IGINIIT ng tagapagsalita ng 6th Infantry (Kampilan) Division na si Lt. Col. John Paul Baldomar na walang nangyaring mortar shelling sa bayan ng Datu Hoffer na nagresulta sa pagkasawi ng isang ginang kahapon ng umaga. Sa panayam ng Brigada News FM Cotabato kay Col. Baldomar, unang una ay wala umano silang operasyon na isinasagawa sa nasabing lugar kaya posible na ang hinahabol na mga BIFF ang nasa likod nito. Malaki ang kanyang paniniwala na dumaan sa nasabing lugar ang mga rebelde at kasabay nito ang pagtatanim ng mga pampasabog sa mga bahay ng mga sibilyan ito ay upang mawala sa kanila ang atensyon ng militar. Sinabi pa ni Baldomar na nakausap nya mismo ang tatay ng namatay na ginang at tribal chieftain sa lugar at kumbinsido anya ang mga ito na ang nakapatay sa biktima ay IED na itinanim ng mga teroristang Dawlah Islamiya – Bangsamoro Islamic Freedom Fighters o BIFF. Sa huli ay iginiit ng opisyal na sila bilang isang sundalo ay mahigpit na inoobserbahan ang karapatan ng mga sibilyan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *