Monitoring sa Lake Buhi, pinaigting dahil sa banta ng epekto ng El Niño Phenomenon

CAMARINES SUR- Hindi pa tuluyang nakakarekober ang Lake Buhi mula sa dinanas na fish kill noong Nobyembre 2023 kaya naman ngayon palang, kaliwa’t kanan na ang mga ginagawa nilang hakbang upang mapaghandaan ang epekto ng El Niño Phenomenon sa mga isda.

Sa nakuhang impormasyon ng Brigada News FM Naga kay Mark Nazarrea, tagapagsalita ng LGU Buhi, patuloy nilang minomonitor ang water level at fish stocks ng lawa. Kamakailan lamang, isinagawa ang clean up drive sa nasabing lugar upang mapanatili ang kalinisan nito kung saan malaki ang magiging epekto nito sa mga isda.

Matatandaan na halos 79 tonelada ng isda ang namatay noong Nobyembre na labis na nakaapekto sa supply nito maging sa hanapbuhay ng mga residente.

Una nang sinabi ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Bicol na posibleng magkaroon ng fish kill sa panahon ng El Niño Phenhomenon kapag hindi ito napaghandaan lalo na ng mga LGU na may lawa at fish ponds.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *