Motor, sumalpok sa jeep kagabi sa Polangui; motorista, patay

LEGAZPI CITY – Patay ang isang 29 anyos na motorista nang makasalpok ito sa isang jeep sa kahabaan ng Maharlika Highway, Brgy. Matacon, bayan ng Polangui, Albay, alas 10 kagabi.

Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay Polangui EMS QRT Supervisor Christopher Encisa, sinabi niya, papunta sa direksyon ng Oas ang nasabing jeep, habang sa kabila nitong lane ay ang motorsiklo na papunta sa direksyon ng Brgy. Agos.

Sa natanggap umano nilang report mula sa mga pulis, aniya, biglang nakalipat sa lane ng jeep ang motor, dahilan upang makasalpok ito sa bumber ng sasakyan.

Ayon kay Encisa, agad na rumesponde ang kanilang team sa aksidente at naidala ang motorista sa ospital subalit binawian ng buhay dahil na rin sa natamong mga seryosong tama sa katawan.

Samantala, wala namang nasugatan sa mga sakay ng jeep, at napag-alaman na papunta itong Sorsogon.

Payo naman ni Encisa sa publiko, laging mag-iingat dahil marami ang mga namamatay sa aksidente lalo na ngayong Semana Santa.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *