Nakatakdang pagtulong ng PNP sa pag-ani ng mga pananim ng apektadong magsasaka sa 6km PDZ ng Bulkan Mayon ngayong araw, kinansela

LEGAZPI CITY – Nakatakda sana ngayong araw na isagawa ang pag-aani ng mga pananim ng mga apektadong magsasaka mula sa mga lugar na pasok sa 6km permanent danger zone ng Bulkang Mayon.

Sa anunsyo ang Albay Police Provincial Office, nakaschedule sana ito ngayong araw subalit kanilang kinansela dahil na rin sa kautusan ni DILG Sec. Benjamin Abalos, Jr. noong bumisita siya sa lalawigan kahapon.

Ayon kay PPO Spokesperson PCapt. Kharren Perillo Formales, iniutos ni Abalos na hangga’t maaari ay huwag na munang papasok sa PDZ, kaya’t minarapat nilang ipagpaliban muna ang naturang aktibidad ngayong araw.

Sakali man umanong pahintulutan sila ng APSEMO na ituloy ang nasabing aktibidad, magbibigay na lamang agad ng impormasyon.

Aniya, prayoridad pa rin ang kaligtasan ng lahat, kaya hiniling nito ang pag-unawa sa naturang pagbabago.

Matatandaan na binuksan ng PNP ang kanilang Police Assistance Desk sa mga evacuation center para sa mga magsasaka na nangangailangan ng tulong na maiani ang kanilang mga naiwang pananim, dahil marami sa mga ito ang pilit na uuwi at ito ang kanilang dahilan.

Samantala, sa huling ulat  ng Office of the Civil Defense Bicol, aabot sa humigit-kumulang 4,000 pamilya o nasa 13, 811 katao ang kasalukuyan na nasa 21 evacuation centers sa lalawigan na mula sa 6 LGUs.

Nilinaw naman ng OCD Bicol na nabawasan ang bilang ng evacuees matapos maberipika na may dobleng bilang na naisumite ang LGU Guinobatan.

Sa ngayon, habang hindi pa naitataas sa Alert level 4 ang bulkan, patuloy pa rin na pinaghahanda ang mga residenteng naninirahan sa 7 kilometer extended danger zone.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *