National security, hindi maapektuhan ng drug war records – Drilon

Binigyang diin ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na walang epekto ang records kaugnay sa war on drugs ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa national security, base sa rulings ng Korte Suprema noong 2018.

Sa isang pahayag, ay sinabi ni Drilon na dapat ay sumunod ang Philippine National Police (PNP) sa rulings ng Korte Suprema sa Almora et.al. at Danao et.al. versus PNP noong 2018 at sa rule of law.

Iginiit ni Drilon na sinabi ng Korte Suprema na hindi nakasasama ang drug war records sa national security,

Anya, sinabi ng korte suprema ilan lamang sa mga drug war records ay ang mga impormasyon at dokumento na may kinalaman sa routine police operations kung saan ay nalalabag ang batas dahil sa bentahan o paggamit ng ilegal na droga.

Nanindigan ang senador na payak at simple lamang ang isang police blotter, na isang public record, at karapatan ng taumbayan na malaman ang katotohanan ukol rito.

Binigyang diin rin ni Drilon na ang mga records sa anti-drug campaign ay walang kinalaman sa rebelyon, invasion, terrorism, espionage, infringement ng ating soberanya, o sovereign rights ng foreign powers o ng kahit anong militar, o isang diplomatic o state secret na may kinalaman sa national security.

Matatandaan na sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi maaring maisiwalat ang records ukol sa pagkamatay ng drug suspects at ng mga komunistang rebelde dahil sa isyu sa seguridad.

Kung maalala ay binigyan ng Philippine National Police ang Department of Justice ng access sa records kaugnay sa drug war deaths bilang bahagi ng inter-agency panel review sa kontrobersyal na kampanya.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *