NCRPO Chief, ipinag-utos na ang extensive investigation kaugnay ng pamamaril ng isang pulis sa Malabon na ikinamatay ng dalawa katao kahapon

Ipinag-utos na ni National Capital Regional Police Office Chief PBGen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang extensive investigation kaugnay ng pamamaril ng isang pulis sa Malabon City na ikinamatay ng dalawa katao habang isa naman ang sugatan.

Posible raw kasing may kinalaman sa iligal na droga ang motibo sa krimen.

Bago ito, batay sa ulat ng NCRPO, nangyari ang insidente mag-aalas singko ng madaling araw kahapon sa Bgy. Acacia sa Malabon kung saan dead on the spot ang biktimang kinilalang si Jay Bacusmo.

Patay din ang biktimang kinilalang si Alexis Guitierez habang sugatan naman matapos magtamo ng tama ng bala sa katawan at kaliwang binti ang isa pang biktimang kinialalang si Baby Tadianmon na patuloy na ginagamot sa Tondo Medical Center.

Sa paunang imbestigasyon , isang hindi kilalang lalaki na ang edad ay nasa 30 anyos ang pumasok sa bahay ng biktimang si Guitierez.

Sa pamamagitan ng backtracking ng CCTV footage sa lugar at panayam sa mga testigo, nalaman ng tracker team ang pagkakakilanlan ng suspek.

Nakilala suspek na si patrolman Zenjo Del Rosario na miyembro ng Station Drug Enforcement Unit- Malabon City Police Station.

Naaresto na ng mga kabaro niya ang suspek at isasailalim sa paraffin test at medical examination.

Kinumpiska na rin ang kanyang issued firearm para sa ballistic examination.

Binigyan-diin ni Nartatez na hinding-hindi kukunsintihin ng pulisya ang pang-aabuso sa kanilang hanay .

Nagpaabot na rin ng pakikiramay ang opisyal sa mga naulilang pamilya ng dalawang biktima at tiniyak ang pagsasampa ng kasong murder laban sa pulis na suspek.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *