NPA patay sa engkwentro, bomba at matataas na kalibre ng baril nakuha ng Militar

SORSOGON CITY – Patay ang isang miyembro ng New People’s Army (NPA) pagkatapos ng sagupaan sa tropa ng pamahalaan sa bulubunduking bahagi ng Brgy Sta Lourdes, Barcelona, Sorsogon.

Wala pang pagkakilanlan ang nasawing rebelde habang nakuha din sa pinangyarihan ang apat na M16 rifle, anti-personnel mine (APM), 90 pirasong cartridge ng M16 rifle at ilang gamit sa paggawa ng bomba.

Sa impormasyon na natanggap ng Brigada News, naganap ang sagupaan tanghali noong Enero 21 habang nagsasagawa ng combat operation ang tropa ng 31st Infantry Battalion katuwang ang 903 Brigade at tropa ng Sorsogon Police Provincial Office.

Nakasagupa ng tropa ang mahigit-kumulang 20 armadong rebelde na pinangunahan ni Fernando Dialogo alias Karen, commanding officer ng Platoon 1, Larangan 1, Komite Probinsyal 3 ng Bicol Regional Party Committee (BRPC).

Umabot sa tatlong oras ang naging palitan ng putok at nagpasabog pa ng improvised explosive device ang mga rebelde dahilan ng bahagyang pagkagalos sa ibaba ng kaliwang mata ng isang sundalo.

Ito na ang pangalawang engkwentro ng mga militar at rebelde sa lalawigan sa taong ito.

Una nang nagka-engkwentro ang nasabing tropa at mga rebelde noong Enero 18 sa Brgy Tondol, Donsol, Sorsogon kung saan narekober ng mga sundalo ng dalawang APM at ilang gamit sa paggawa ng bomba.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *