NUJP, NPC, kinundena ang pamamaslang kay Percy Lapid

Kinundena ng mga grupo ng mga mamamahayag ang ginawang pagpaslang sa kumentaristang si Percival Mabasa o mas kilala bilang Percy Lapid.

Si Lapid ang nakatatandaang kapatid ng dating tagapangulo ng National Press Club (NPC) na si Roy Mabasa.

Ayon kay NPC President Lydia Bueno, nakikiisa sila sa pakikidalamhati sa pagpanaw ni Lapid.

Mariin din nilang kinokondena ang krimen at binigyang-diin na karapatan ng mga mamamahayag na magpahayag ng kanilang mga kumento’t saloobin.

Sinabi naman ng National Union of Journalists of the Philippines na ang pamamaslang kay Lapd ay patunay lamang na isa pa ring mapanganib na trabaho ang pagiging isang mamamahayag sa Pilipinas.

Anila, ang pamamaslang kay Lapid ay ang ikalawa nang insidente ng media-killing sa ilalim ng Marcos administration, kasunod ng pananaksak kay Rey Blanco sa Negros Oriental nitong ika-18 ng Setyembre.

Si Lapid ay ang host ng kanyang online program na ‘Percy Lapid Fire’ ng DWBL, at kolumnista sa Hataw.

Kilala rin itong kritiko ng Duterte administraton at ng kasalukuyang Marcos administration.

Ilan sa mga paksang tinalakay sa kanyang programa ay ang red-tagging; pang-haharass ni dating NTF-ELCAC spokesperson Loraine Badoy sa Manila Judge; at ang mga napaslang sa kasagsagan ng kampanya laban sa iligal na droga ng nagdaang Gobyerno.
#

PTFOMS, tiniyak ang hustisya

Mariing kinukundena ng Presidential Task Force on Media Security ang ginawang pagpatay kay Lapid.

Sa pahayag ng Presidential Task Force on Media Security, nakikiramay sila sa pamilya, mga kaibigan at kasamahan sa trabaho ni Percy Lapid.

Kaugnay nito, tiniyak ng Task Force na kaisa sila sa pagtugis sa suspek sa pagpatay upang makamit ang hustisya para kay Lapid.

May close coordination na rin daw sila sa Philippine National Police (PNP) at sa Media Security Vanguards, para sa nagpapatuloy na imbestigasyon sa nangyaring krimen.

Samantala, naniniwala naman si NUJP Sec. Gen. Ronalyn Olea na work-related ang nangyaring pamamaslang.

Si Lapid ang ika-isang daan at siyamnapu’t anim na mamamahayag na pinatay sa Pilipinas mula 1986.

Las Piñas Police, binigyan ng 24 hour ultimatum para maresolba ang pamamaslang kay Lapid

Binuo na ng National Capital Region Police Office o NCRPO ang isang special investigaiton task force para imbestigahan ang pagpaslang sa brodkaster na si Percival Mabasa o mas kilala bilang Percy Lapid.

Sa isang pahayag, sinabi ng mga otoridad na pangungunahan ng SITG ang imbestigasyon para matukoy ang motibo sa pamamaril.

Bubuoin ito ng mga miyembro ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG-NCR) at Philippine National Police-Intelligence Group.

Tiniyak din ng PNP na mabibigyan ng hustisya ang mga naulila ng biktima.

Binigyan naman ni NCRPO acting Regional Dir. Brig. Gen. Jonnel Estomo si Las Piñas Police chief Col. Jaime Santos ng bente-kuwatro oras na ultimatum para maresolba ang krimen.

Matatandaang lumabas sa imbestigasyon na pinagbabaril ng dalawang kalalakihan si Lapid habang pauwi sa Las Piñas City kagabi.

Ayon sa mga kaanak nito, katatapos lang ng kanyang online broadcast nang maganap ang pamamaslang.
#

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *