Occupancy rate ng mga COVID 19 referral hospitals sa So.Cot, nasa danger zone na

KORONADAL CITY- NAGPAPATULOY ang expansion na ginagawa ng provincial government ng South Cotabato sa Soccksargen General Hospital (SGH) na nagsisilbing COVID Hospital at South Cotabato Provincial Hospital (SCPH) upang makapag-admit ng mas maraming pasyente.

Ito ang inihayag ni Governor Reynaldo Tamayo Jr sa kanyang weekly radio program matapos lumabas sa datos na nasa danger zone na ang occupancy rate ng mga ospital dito na tumatanggap at gumagamot sa mga pasyente na positibo sa COVID 19.

Ayon sa gobernador na halos puno na ang mga ospital na tumatanggap ng mga confirmed at probable COVID 19 patients dahil sa pagtaas ng bilang ng nagpopositibo na umabot sa 591 sa loob lamang ng anim na araw mula June 1 hanggang June 6.

Sa datos ng Integrated Provincial Health Office (IPHO), ang occupancy rate ng mga COVID 19 referral hospital sa lalawigan ay nasa 95.83%, samantalang fully utilized na ang mga intensive care units o ICU beds.

Kalahati na ng dialysis slots para sa mga COVID positive patients ang okupado habang 45.5% ng mga mechanical ventilators ang ginagamit.

Sa kabuuan, ang probinsya ay mayroong 96 COVID 19 hospital beds, 10 ICU facilities, dalawang dialysis slots, at 11 mechanical ventilators.

Kabilang sa referral facilities ang Dr. Arturo P. Pingoy Medical Center, South Cotabato Provincial Hospital (SCPH), at Allah Valley Medical Specialists’ Center Inc sa Koronadal City; Soccsksargen General Hospital (SGH) at Landero Clinic and Hospital sa Surallah; at Howard Hubbard Memorial Hospital sa Polomolok.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *