OWWA Bicol, wala pang natatanggap na request for repatriation mula sa mga Bicolanong OFWS sa Israel kahit pa tinagurian nang ‘deadliest thus far’ ang kasalukuyang gyera

LEGAZPI CITY – Hanggang ngayon ay wala pang natatanggap na tawag ang Overseas Workers’ Welfare Administration (OWWA) Bicol mula sa Bicolanong OFWs sa bansang Israel na nagre-request na makauwi sa Pilipinas sa gitna ng digmaang nagaganap sa pagitan ng nasabing bansa at ng Palestine.

Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay OWWA Bicol Regional Spokesperson Bernard Bonnet, sinabi niya na ito ay sa kabila ng pagkokonsidera ritong ‘deadliest war thus far’ sa Israel.

Ayon kay Bonnet, ang Department of Foreign Affairs ay nakatanggap ng request for repatriation mula sa mga Pilipino na nasa Gaza Strip, ngunit wala silang natanggap na mula sa Israel kahit pa mayroon nang naulat na casualties.

Kahit pa halos sanay na ang mga Pilipino sa gyera sa Israel, patuloy pa rin aniya ang kanyang paalala na unahin ang sariling kaligtasan at seguridad.

Samantala, nananawagan naman si Bonnet sa mga kapamilyang naiwan dito sa Pilipinas hindi lamang sa mga Bicolano na hikayatin ang mga kapamilyang OFWs na apektado ng gyera na umuwi at bumalik nalamang doon kapag humupa na ang kaguluhan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *