P100 kada boboto pabor sa Cha-Cha, ibinunyag

Isiniwalat ni Albay First District Representative Edcel Lagman na naglunsad ng kampanya ang mga kongresista mula sa supermajority coalition para sa isinusulong na Charter Change.

Ayon kay Lagman, ipinatawag sa isang general meeting ng League of Mayors ang mga municipal mayor sa Albay ngunit hindi ibinahagi ang agenda.

Sa kasagsagan ng pulong ay sinabihan umano ang mga alkalde na gagamitin ang people’s initiative bilang paraan ng pag-amiyenda sa Konstitusyon at binigyan sila ng mobilization funds at forms.

Paliwanag ni Lagman, ang naturang forms ang lalagdaan ng three percent ng mga rehistradong botante ng legislative district.

Pagbubunyag pa nito, ang mga botanteng lalagda sa petisyon para sa people’s initiative ay bibigyan umano ng tig-isandaang piso kung saan ang 50 percent ay na-adcance na sa municipal mayors at coordinators.

Gagawin aniya ito sa buong bansa lalo’t nahatiran na ng forms ang mga kongresista na nabibilang sa iba’t ibang political parties.

Tanong tuloy ni Lagman, sino ang mastermind ng kampanya, ano ang mga isinusulong na pag-amiyenda sa Saligang Batas, saan galing ang pondo at bakit binibili ang inisyatiba ng mga botante.

Sa dalawang ruling ng Korte Suprema na binanggit ng mambabatas, bagama’t pinapayagan ng Konstitusyon ang amendments na direktang ipinapanukala ng taumbayan sa pamamagitan ng people’s initiative ay walang “compliant implementing law” para sa isinusulong habang ibinasura rin ang petisyon para sa naturang pamamaraan dahil sa “fatal defects”.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *