P200,000 na pabuya, inalok para sa pagkakahuli ng mga suspek sa pagsunog ng bus sa Cotabato National

Handa ang lokal na pamahalaan na magbigay ng P200,000 na pabuya para sa mga tao na makakatulong sa mga otoridad na maaresto ang mga suspek sa pagsunog ng isang bus sa probinsya ng Cotabato.

Kapwa nag-alok sina Mlang Mayor Russel Abonado at Cotabato Governor Nancy Catamco ng P100,000 na pabuya bawat isa.

Kaugnay nito ay kinondena ni Catamco ang naganap na pag-atake laban sa Yellow Bus Line na nagmamay-ari sa sinunog na bus, kasabay ng kanyang pangako na mabibigyan ng pinansyal na tulong ang mga biktima.

Inutos rin ng gobernadora kay Col. Henry Villar, Cotabato police director, na lumikha ng special task group na mag-iimbestiga sa insidente kung saan ay may 3 pasahero ang nasawi.

Una nang tinukoy ni Lt. Col. Realan Mamon, Mlang police chief, ang mga nasawi sa mga pangalang Johny Roy Tadeo Ramil, 28-anyos, at Hazel Gallardo, 30-anyos, na parehong mga residente ng Barangay Poblacion sa Mlang, at si Arnold Patron, 49-anyos, mula sa La Esperanza, Tulunan.

Samantala, naitakbo naman sa pagamutan ang anim na iba pang pasahero na nagtamo ng first degree burns.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *