P94.6-million na halaga ng supplies ng OCD, hindi suportado ng mga kontrata ayon sa COA

Napuna ng state auditors ang P94.6-million na halaga ng kabayaran para sa iba’t-ibang bilihin at serbisyo para sa COVID-19 response na hindi suportado ng mga kontrata.

Sa isang ulat ay sinabi ng Commission on Audit na nagbayad ang OCD ng milyon-milyong piso sa serbisyo at produkto ng 54 na suppliers na walang kontrata, tulad ng pagkain, accomodation ng mga tauhan ng COVID-19 testing sites, at para sa sanitation at decontamination.

Ayon sa COA, meron 35 disbursement vouchers ang dumating na may attached disposition form kung saan ay sinabi na dahil sa exigent needs at para maiwasan ang anuman delay, ay itinuloy nila ang mga kinakailangan na trabaho na mahalaga sa COVID-19 Response Operations kahit wala ang mga kinakailangan na procurement documents.

Ipinunto ng state auditors na nakalagay rin sa disposition forms na ang bayad para sa kabuoang P62.3-million sa 35 suppliers ay ginawa sa pamamagitan ng “quantum meruit” na tumutukoy sa kabuoang halaga ng pera na ibinayad sa isang serbisyo o produkto na may presyo na hindi nakasaad sa anuman legally enforcable contract.

Inihayag naman ng COA, na walang disposition forms ang naka-attach sa disbursement vouchers para sa natitirang P32.3-million na ipinambayad sa 19 na iba pang suppliers.

Nanindigan naman ang OCD na pinapayagan sa ilalim ng Government Procurement Policy Board ang procurement sa kabila ng kawalan ng approved annual procurement plan basta’t meron itong dokumento o sertipikasyon mula sa budget officer na nagpapakita kung para saan ginamit ang pondo.

Sa kabila nito ay nangako ang OCD na susunod ito sa rekomendasyon ng COA na tigilan na ang practice ng pagbabayad ng claims na base sa quantum meruit principle at tiyakin na suportado ng kumpletong documentation ang lahat ng na-procure na bilihin.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *