Paaralan sa Daraga, Albay, pinasok ng mga magnanakaw; ilang mga mamahaling kagamitan, tinangay

LEGAZPI CITY – Pinasok ng mga hindi nakilalang suspek ang paaralan ng Tabon-Tabon Elementary School sa Purok 1, Brgy. Tabon-Tabon, bayan ng Daraga, Albay kung saan ilang mga mamahaling kagamitan ang tinangay.

Ayon sa Daraga PNP, umaga nang mag-report si Kap. Christopher Andes sa himpilan tungkol sa insidente ng pagnanakaw sa nasabing paaralan.

Agad namang nagpadala ang pulisya ng mga tauhan upang beripikahin at magsagawa ng imbestigasyon.

Lumalabas naman sa resulta, sapilitang pinasok ng mga suspek sa pamamagitan ng pagsira sa mga bakal na grills ng Principal’s Office at Grade 4 room na nasa likod at tinanggal ang jalousie window upang makapasok sa loob.

Pinasok din ng mga suspek ang District Property Office kung saan sinira ang padlock, at pagkatapos ay kinuha ang mga mamahaling gamit tulad ng laptop na nagkakahalagang humigit-kumulang sa PHP50,000; projector na nagkakahalagang humigit-kumulang PHP50,000; set ng microphone na nagkakahalaga ng PHP3,400; coin bank; netbook na nagkakahalagang humigit-kumulang PHP20,000; at isang flat screen TV na nagkakahalagang humigit-kumulang PHP 12,000.

Mabilis na tumakas ang mga suspek sa hindi matukoy na direksyon matapos tangayin ang mga kagamitan.

Sa ngayon ay patuloy ang malalimang imbestigasyon ng mga otoridad upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin, at masampahan ng kaukulang kaso.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *