Pagawaan ng asin sa Sorsogon, pinagpaplanuhan na

Suportado ng Pamahalaang Lalawigan ng Sorsogon ang planong pagpapatayo ng pagawaan ng asin sa lalawigan.

Sa sesyon ng Sangguniang Panlalawigan, inilahad ng Senior Science Research Specialist ng DOST Sorsogon na si Engr. Sandro Noguera, ang mga plano at mga kailangan upang maisakatuparan ang salt production sa lalawigan.

Aniya, magsasagawa muna ng water assessment ang DOST sa Pacific Ocean at West Philippine Sea na siyang magiging basehan kung saang bayan mas magandang itayo ang planong pagawaan.

Pagpipilian naman aniya ng lalawigan kung ang mga gagamiting pondo para sa mga equipment na gagamitin ay poponduhan ng LGU o galing na mismo sa DOST.

Ayon sa mga Board Members, suportado nila ang nasabing proyekto na isa sa mga magbibigay dagdag kabuhayan sa mga mamamayan.

Mababatid na naging basehan ng SP Resolution ang pahayag ni Agriculture Senior Undersecretary Domingo Panganiban na maliban sa asukal, may kakulangan din sa suplay ng asin sa bansa.

Ayon pa sa opisyal, walang programa ang pamahalaan para maparami ang produksyon kaya mag-iimport ang bansa ng asin. Ilang lalawigan lamang umano ang nagpo-produce ng asin.

Ang resolusyon na may pamagat na ‘Resolution Authorizing the Committee on Food Security, Agriculture, Fisheries and Agrarian Reform to Conduct an Inquiry Re: National Crisis on Shortage of Food Supplies Specifically Salt, and on the Potential of the Province of Sorsogon in Venturing its Mass Production’ ay inakda nina SPM Roland Anonuevo, Jose Arturo Enano at VG Krunimar Antonio Escudero II. Ayon sa mga ito, karamihan ng LGUs sa lalawigan, maliban lamang sa bayan ng Irosin, ay may coastal barangays na maaaring magpakita ng potensyal sa paggawa ng asin. 

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *