Pagbaba ng cybercrime sa bansa dahil SIM card registration, hindi ramdam ng Camarines Sur PNP Anti-Cybercrime Unit

NAGA CITY – Hindi ramdam ng Camarines Sur PNP Anti-Cyber Crime Unit ang pagbaba ng cybercrime sa bansa dahil sa tulong ng SIM card registration.

Sa panayam ng Brigada News FM Naga kay PCPT Angelo Babagay, Head ng Camarines Sur PNP Anti-Cyber Crime Unit, wala namang naging pagbabago dahil marami pa rin aniya ang nakakatanggap ng mga text at call scam, halos araw-araw mayroong nabibiktima at nagrereport sa kanila na hindi baba sa tatlo katao. Isa pa napakadaling makapagparehistro lalo na’t madali lamang mapeke ang identification o ID na una nang nakapagparehistro ang mga scammer o mangloloko.

Katunayan sa pagpasok ngayong Enero 2024, marami na kaagad ang nabibiktima lalo na sa online lending, sa mga online app, na wala ring tigil na tinatakot ang mga biktima.

Ayon kasi sa Philippine National Police Anti-Cybercrime Group, malaki ang naitulong ng  SIM card registration sa pagbaba ng cybercrime sa bansa, sa datus mula Agosto hanggang Disyembre 2023, umabot lang kasi sa 6,385 ang cybercrime na naitala at mas mababa kumpara sa 14,893 na cybercrime cases na naitala mula Enero hanggang Hulyo 2023.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *