Pagbabawal sa mga alagang aso at pusa sa mga restaurant, inihain

Isinusulong ni Kusug Tausug Party-list Representative Shernee Tan-Tambut ang isang panukala na layong ipagbawal na papasukin sa loob ng mga restaurant at iba pang food establishments ang mga alagang hayop.

Batay sa House Bill 9570, nais ni Tambut na pagbawalan ang pagdadala ng mga alagang hayop tulad ng aso at pusa sa loob ng mga kainan at pagpapagamit ng upuan dito.

Kasama sa hindi papayagang makapasok ang service animals o aso ng uniformed law enforcement at private agencies na naatasang magsagawa ng security function.

Ipinaliwanag ng kongresista na maaaring magkaroon ng epekto sa kalusugan ang mga alagang hayop sa ibang customer lalo na kung mayroong allergies.

Pero nilinaw ni Tambut na maaari pa ring pahintulutan ng food establishments na dalhin ang mga alaga basta’t may hiwalay na dining area sa labas ng restaurant.

Dapat din umanong nakasuot ng diaper ang mga alaga at ang pet owners ang responsable sa paglilinis ng dumi ng mga hayop.

Sakaling maisabatas, aatasan ang mga restaurant na magtalaga ng isang empleyado na hindi naghahain at naghahanda ng pagkain upang tutukan ang paglilinis at pag-sanitize ng lugar na pinagkainan ng customer na may kasamang alaga.

Ang sinumang lalabag na restaurant owners, empleyado at pet owners ay maaaring patawan ng multa at pagkakakulong.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *