Pagbalewala ng Senado sa Cha-cha – dahilan umano para sa People’s Initiative

Hinimok ni House Senior Deputy Speaker at Pampanga Third District Representative Aurelio Gonzales Jr. ang mga senador na pakinggan ang panawagan ng business sector hinggil sa pagpapatupad ng reporma sa economic provisions ng Saligang Batas.

Ayon kay Gonzales, magandang indikasyon ang pagbaba ng unemployment rate nitong Nobyembre kung saan nadagdagan ng 260,000 ang labor force sa pamamagitan ng pamumuhunan.

Sa isinusulong na pag-amiyenda sa 1987 Constitution ay hangad aniya ng Kamara ang pagpasok ng mas maraming foreign investors upang lumikha ng mas maraming trabaho.

Giit ng House official, kabilang sa mga nagpahayag ng suporta sa Charter Change mula sa business community ang Foundation for Economic Freedom at Makati Business Club.

Bibilis umano ang capital formation at paglago ng ekonomiya kung maisasakatuparan na ang constitutional reform.

Dagdag pa ni Gonzales, ang patuloy na pagtanggi ng mga senador sa inisyatiba ng Kamara ang nagtulak sa ilang kongresista na ikasa ang People’s Initiative na isang paraan kung saan hindi na kailangan ang pagsang-ayon ng Kongreso.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *