Pagbawi sa prangkisa ng SMNI, “logical” umano na lulusot sa Kamara

Hindi malayo ang posibilidad na aaprubahan ng Kamara ang panukalang batas na layong bawiin ang prangkisa ng Sonshine Media Network International o SMNI sa gitna ng kinahaharap nitong isyu ng umano’y mga paglabag.

Ayon kay House Committee on Legislative Franchises Chairperson Gus Tambunting, ayaw niyang pangunahan ang mga miyembro ng panel sa kung paano nila pagpapasyahan ang pagkansela sa prangkisa ng SMNI.

Ngunit maaaring maging “logical” aniya na dahil isinulong nila na suspendihin ng National Telecommunications Commission ang operasyon ng network ay boboto rin sila pabor sa revocation ng prangkisa.

Giit ni Tambunting, nailatag na sa mga nakalipas na pagdinig ang sinasabing violations ng SMNI partikular ang Sections 4, 10, 11 at 12 ng kanilang prangkisa.

Sakaling hindi umano magbago ang argumento ng mga nagpresinta sa pagdinig sa resolusyon ay maaaring gayundin ang botohan.

Mababatid na si 1-Rider Party-list Representative Rodge Gutierrez ang naghain ng House Bill 9710 na bumabawi sa Republic Act Number 11422 na naggawad ng prangkisa sa Swara Sug Media Corporation.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *