Pagdaraos ng plebisito para sa economic Charter Change, hindi dapat tipirin

Hindi dapat tipirin ang napakahalagang usapin ng pag-amiyenda sa economic provisions ng 1987 Constitution.

Ito ang iginiit ni House Deputy Minority Leader France Castro matapos sang-ayunan ni Pangulong Bongbong Marcos na isabay na lang ang plebisito para sa economic Charter Change sa 2025 midterm elections.

Sa press conference sa Kamara, sinabi ni Castro na kailangan ng malawakang edukasyon sa mga Pilipino at hindi dapat basta na lamang idagdag sa official ballot.

Punto ng kongresista, “basic law” ang pinag-uusapan kaya walang lugar ang pagtitipid ng gobyerno sa gastos para ratipikasyon at plebisito.

Kinuwestyon din ni Gabriela Party-list Representative Arlene Brosas ang procedure ng pagtalakay sa Resolution of Both Houses Number 7 na tiyak idadaan sa constitutional challenge dahil tatlo lamang ang “mode of amendment”.

Maging ang hindi paglahok ng karamihan sa mga kongresista sa interpelasyon sa Committee of the Whole ay pinuna ni Brosas lalo na kapag mahaba na ang oras ng diskusyon.

Hindi aniya ito pwedeng ipagwalang-bahala dahil wala umanong katotohanan na masyadong restrictive ang Saligang Batas gayong ‘nakabuyangyang’ o bukas na ang ekonomiya sa mga dayuhang mamumuhunan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *