Pagkain ng mga atleta ng Camarines Norte sa katatapos lang na Palarong Bicol bitin

CAMARINES NORTE – Hindi nakapagpigil si Camarines Norte Schools Division Superintendent Crestito Morcilla na magpasaring hinggil sa di umano’y “bitin” na pagkain ng mga atleta ng Camarines Norte sa katatapos lang na Palarong Bicol 2024.

Sa flag raising ceremony kahapon, sinabi ni SDS Morcilla na “unfair” para sa coaches at mga atleta  na mag-expect ng mas mataas kung hindi naman naibibigay sa kanila ang kinakailangang suporta.

Aniya, kung sana daw ay napakain lang ng mas marami-rami ang mga atleta ay baka mas mataas pa sa 3rd place ang naabot ng Camarines Norte delegation.

Sa panayam naman ng Brigada News FM Daet kay Division Sports Coordinator Nelson Gomez sinabi nitong simula pa lang ng quartering ay imunungkahi na niya na imbitahin sila sa bidding process para maipaliwanag sa mananalong bidder ang sistema ng pagpapakain sa mga atleta.

Wala daw kasi sa Department of Education ang bidding at ang namamahala nito lahat kasama na ang pagkain, uniform at suplay ay nasa provincial government.

Kahit sa mismong bicol meet umano ay sinasabi nila sa hindi binanggit na catering service ang mga dapat na preparasyon sa pagkain.

Hinihintay lang umano ng DepEd ang ipapatawag na school board meeting ng kapitolyo at doon sila maglalatag ng mga suhestiyon para hindi na maulit ang pangyayari.

Aminado rin si Gomez na maliit lang ang insentibo ng mga manlalarona nakasungkit ng medalya. Ang gold medalist ay tatanggap ng 1, 500 habang P700 naman sa silver medalist at P400 ang nakakuha ng bronze.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *