Pagkakaroon ng Malasakit Center sa Camarines Norte isa sa maituturing na legacy ng administrasyong Duterte

CAMARINES NORTE- Inaasahang ibibida ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga nagawa ng kaniyang administrasyon sa nakalipas na mga taon sa kaniyang huling State of the Nation Address mamayang hapon.

Kabilang dito ang tungkol sa usapin ng kalusugan lalo’t nahaharap ngayon ang bansa sa matinding problemang dulot ng COVID- 19 pandemic.

Isa nga sa maituturing na legacy ng administrasyong Duterte ay ang Malasakit Center na pet project ng long time aid nito na si Sen. Christoper “Bong” Go.

Noong June 30, ay binuksan sa lalawigan ang ika- 124 na Malasakit Center sa bansa na matatagpuan sa Camarines Norte Provincial Hospital (CNPH).

Sa pamamagitan nito ay inilagay ang iba’t ibang ahensiya ng gobyerno sa iisang opisina kaya’t tinawag itong one- stop shop.

Dahil dito hindi na kakailanganing magtungo sa iba’t- ibang opisina o lugar ang mga hihingi ng tulong dahil pinag isa na lang ito.

Dati kasi ay nagiging dagdag pasakit pa ang paglapit sa iba’t- ibang opisina ng gobyerno na bukod sa abala ay nagagastusan pa ang mga mahihirap.

Ngayon ay walang ibang gagawin ang pasyente kung hindi lumapit sa Malasakit Center dahil nakahanda umanong tumulong ang iba’t- ibang ahensiyang matatagpuan dito tulad ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Health (DOH) at Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) upang wala nang bayaran sa ospital.

Sa kabila nito, nananatiling malaking hamon pa rin sa gobyerno ang pag angat sa serbisyong pangkalusugan sa bansa na mistulang nakita ang kahinaan ng tumama ang pandemya.

Maging ang pakinabang ng Universal Health Care law ay tila hindi pa nararamdaman lalo na ng mga nasa laylayan.

Ngayong huling SONA ng Pangulo, nais marinig ng mga Pilipino ang mga ginagawang hakbang ng gobyerno at ang malinaw na direksyon lalo na sa paglaban sa pandemya.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *