Pagkasawi ng barangay kagawad sa police ops sa Buhi, Camsur pinaiimbestigahan

BICOL—Pinaiimbestigahan ng bagong upong director ng Police Regional Office (PRO5) na si Brig. Gen. Jonnel Estomo ang pagkasawi ng isang barangay kagawad sa police operation sa Buhi, Camarines Sur nitong Linggo.

Siniguro ng opisyal sa pamilya ng napaslang na si Kagawad Froilan Oaferina III at sa publiko na iimbestigahan ang insidente upang malaman ang katotohanan.

Ito ay matapos ang alegasyon ng pamilya ng nasawi na mayroong pera at mga gamit na nawawala sa isinagawang operasyon ng PNP at militar.

Pero binigyang diin ni Estomo na sumunod sa protocol ang mga operatiba at dumepensa lamang umano matapos ang mga itong paputukan ni Oaferina.

Nagkaroon din umano ng serye ng imbestigasyon ang PNP bago nag-apply para sa search warrant sa korte hinggil sa report na mayroong mga itinatagong hindi lisensyadong baril ang suspek.

Anya, itinataguyod at nirirespeto ng kapulisan ang karapatang pantao.

Mababatid na batay sa salaysay ng anak ng biktima na si Nico, nasa 30 armadong pulis ang pumasok sa kanilang bahay at pinadapa ang kanyang ama.

Dinala umano ito sa madilim na bahagi ng kanilang kusina kung saan narinig ang pagsusumamo nito na huwag siyang dadalhin sa madilim, doon siya arestuhin sa maliwanag at huwag siyang sasaktan.

Tinawag pa umano nito ang kanyang pangalan at kapatid nito pero bigla umanong pinatay ang ilaw at doon na narinig ang mga putok ng baril.

Salaysay pa nito, tatlong oras silang pinagbawalang pumasok sa kanilang bahay at wala rin agad na iprinisentang search warrant ang mga pulis. Tatlong oras pa umano ang lumipas bago dumating ang mga pulis na may bitbit ng search warrant para sa illegal possession of firearms.#

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *