Paglipana ng mga peste sa NAIA, posibleng parte ng destab efforts

Naniniwala si House Assistant Majority Leader Jil Bongalon na posibleng bahagi ng paninira sa administrasyong Marcos ang sunud-sunod na viral videos sa social media na nagpapakita ng mga daga, surot at ipis sa Ninoy Aquino International Airport.

Sa pulong balitaan sa Kamara, sinabi ni Bongalon na tila nang-uudyok ng kritisismo ang magkakasunod na pagsulpot ng mga peste sa paliparan upang siraan ang gobyerno.

Mapapasama aniya ang imahe ng Pilipinas sa ibang mga bansa kapag hindi ito tinugunan ng pamunuan o mga opisyal ng NAIA kaya dapat ay agad maglabas ng sertipikasyon sa sandaling maging “pest-free” ito.

Inihalintulad din ng kongresista ang kontrobersya sa nangyaring “tanim-bala” modus noong mga nakalipas na taon samantalang ang paglipana ng mga daga, surot at ipis ay tila “unusual”.

Idinagdag pa ni Deputy Majority Leader Erwin Tulfo na hindi malayong maglabasan ang mga peste sa NAIA dahil luma na rin ang gusali kaya napapanahon na ang renovations upang iangat ang reputasyon sa mga turista.

Wala umanong ibang dapat sisihin sa pangyayari kundi ang management ng paliparan lalo’t marami naman ang taga-linis sa pasilidad ngunit kulang sa pest control.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *