Paglipana ng vapes na marijuana flavor, nais paimbestigahan sa Kamara

Pinaiimbestigahan na sa Kamara ang paglipana ng e-cigarettes o vapes na may halong marijuana matapos iulat ng Philippine Drug Enforcement Agency na dumarami ang nakukumpiska nito sa anti-illegal drug operations.

Nais ng ilang kongresista na atasan ang Committees on Health, Trade and Industry at Dangerous Drugs na manguna sa pagdaraos ng joint probe ukol sa usapin ng marijuana-filled vapes.

Ayon kay Lanao del Sur Representative Zia Alonto Adiong, mahalaga ang pagkakaroon ng congressional inquiry dahil maaaring samantalahin ng illegal drug traffickers ang bagong diskarte sa pagpupuslit ng droga.

Posible aniyang sakyan ng drug traffickers ang nauusong vape dahil sa magandang market nito at pagiging malikhain upang mapataas ang bentahan.

Naniniwala rin si Davao Oriental Representative Cheeno Almario na hindi ito maituturing na “isolated case” lalo’t sa ibang mga bansa na pinapayagan ang medical use at consumption ng marijuana ay mismong mga kumpanya pa ang nag-e-extract ng langis upang magamit sa vapes.

Idinagdag naman ni AKO BICOL Party-list Representative Jil Bongalon na dapat matukoy ang mga teknolohiyang ginagamit sa paglaganap ng marijuana-infused e-cigarettes.

Nagbabala naman si Bongalon sa mga kabataan na ilegal pa rin ang paggamit ng marijuana bagama’t may isinusulong na pag-amiyenda sa Republic Act 9165 para sa legalisasyon ng cannabis sa medical purposes.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *