Pagpapanatili sa “unprogrammed funds” sa 2024 national budget – pinuri

Naniniwala si House Appropriations Committee Chairman Elizaldy Co na naging decisive si Pangulong Bongbong Marcos sa pag-apruba sa 2024 General Appropriations Act at sa pagpapanatili sa “unprogrammed funds”.

Ito’y sa kabila ng pag-veto ni Marcos sa dalawang probisyon ng pambansang budget partikular ang revolving fund ng Department of Justice at Section 38 ng General Provisions para sa Implementation of National Government’s Career Executive Service Development Program.

Ayon kay Co, ang naturang pondo ay tatlongdaang porsyentong mas mataas para sa anti-inflationary measures upang matulungan ang mahihirap na Pilipino.

Maituturing aniya itong regalo ngayong Pasko sa mga Pinoy lalo’t pinondohan ang expanded ayuda o ang Ayuda sa Kapos ang Kita Program o AKAP.

Iginiit ng kongresista na ang budget sa susunod na taon ay nakasentro sa pitumpung porsyento ng mga Pilipinong “near-poor” o mababa ang kita.

Mayroon din umanong panlaban sa inflation patungkol sa bigas na makatutulong sa mga magsasaka at sa consumers upang makabili ng mura.

Paliwanag pa ni Co, sakaling may sobrang revenues ay direktang mapakikinabangan ang “unprogrammed funds” na kung tutuusin ay hindi na bago.

Para umano ito sa social services balance mula sa programmed funds, AKAP, Assistance to Individuals in Crisis Situations, libreng medical assistance, 4PH Housing program, legacy on specialty hospitals at ilang loan payments.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *