Pagsuspinde ng face-to-face classes dahil sa matinding init ng panahon nasa mga kamay na ng School head – DepEd

CAMARINES NORTE – Ipinauubaya ng Department of Education sa mga school head kung kailangan ng mga itong suspindihin ang face-to- face classes dahil sa labis na init ng panahon.

Sa panayam ng Brigada News FM Daet kay Camarines Norte Division Information Officer Antonio Ahmad ipinaliwanag nito na nasa diskresyon na ng mga school head kung kailangang suspindhin ang klase batay sa umiiral na DepEd Order.

Mababatid na dahil sa labis na init ng panahon bunsod ng El Niño phenomenon, ilang eskwelahan na sa bansa ang nagsuspinde ng klase.

Paliwanag ni Ahmad na bagamat hindi “specific” sa DepEd Order No 37 ang “heat index” bilang rason sa pagsuspinde ng klase ay pwede itong gawin ng school head kung hindi na “conducive” ang learning environment.

Kinakailangan lang umanong maging “proactive” at mayroong plano ang school head kung magsususpinde ng klase dahil hindi pwedeng magkaroon ng interruption sa pag- aaral ng mga bata kahit sa mga ganitong pagkakataon.

Hindi naman umano hahayaan ng DepEd na malagay sa alanganin ang mga estudyante at mga guro habang tinitiyak na magpapatuloy ang mga bata sa kanilang pag- aaral.

Aminado si Ahmad na marami pa ring eskwelahan sa lalawigan ang hindi maganda ang bentilasyon.

Ayon naman kay Pagasa Daet weather specialist Anjanette Ebron, papahina na rin ang El Nino ngayong buwan o sa Mayo.

Sa Hulyo nitong taon ay posible namang maranasan ang La Niña o ang pagkakaroon ng above-normal  rainfall conditions. Nakataas na umano ngayon La Niña watch sa bansa.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *