Pagtanggal ng administrative task ng mga guro welcome development sa Camarines Norte Schools Division Office

CAMARINES NORTE – Itinuturing na isang welcome development ng Camarines Norte Schools Division Office ang naging pahayag ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte na tanggalin na ang administrative task ng mga guro o ang mga gawaing walang kinalaman sa pagtuturo.

Sa panayam ng Brigada News FM Daet sinabi ni Administrative Officer V at Division Information Officer Antonio Ahmad na kung tutuusin ay bahagi na talaga ito ng inilatag na 5- year plan ng Department of Education.

Aniya bago pa man maupo bilang kalihim ng DepEd si VP Sara ay mayroon nang ganitong plano na naantala lang dahil sa COVID- 19 pandemic.

Mababatid na inanunsiyo ng Pangalawang Pangulo sa kaniyang Basic Education Report 2024 na ang pagtanggal sa administrative task ng mga guro ay upang mabawasan ang hirap ng mga ito sa pagtupad ng kanilang tungkulin sa pagtuturo.

Maglalaan rin ang DepEd ng karagdagang Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) sa mga paaralan para mag-hire ng administrative support staff.

Maliban dito, maglalabas ng polisiya ang DepEd tungkol sa Teaching Overload Pay alinsunod sa Magna Carta for Public School Teachers.

At dahil mawawala na ang administrative task ng mga guro umaasa ang Division Office na makaka- focus na ang mga ito sa pagtuturo.

Mababatid na mayroong mahigit kumulang anim na libo ang teaching personnel sa Camarines Norte.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *