Pagtawag kay Duque bilang isang ‘hero’ ni Pangulong Duterte, hindi sinangayunan ng ilang senador

Hindi sinangayunan ng ilang senador ang pagtawag ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Health Secretary Francisco Duque III bilang “hero” ng COVID-19 response ng Pilipinas.

Sinabi ni Senate President Vicente Sotto III na opinyon yan ni Pangulong Duterte, ngunit para sa kanya, ang mga tunay na bayani ay ang mga frontliners.

Ipinunto naman ni Senator Grace Poe na ang totoong COVID-19 pandemic heroes ay ang mga matatapang na manggagawa na itinataya ang kanilang buhay para sa iba kabilang na ang mga nagvo-volunteer para mapunan ang mga kakulangan sa virus response ng gobyerno.

Iginiit naman ni Senator Sherwin Gatchalian na hindi dapat kalimutan ng Pangulo ang iba na may kontribusyon rin sa pandemic response kabilang na sina vaccine czar Secretary Carlito Galvez at National Task Force Against COVID-19 deputy chief Vince Dizon.

Naniniwala naman si Senator Francis Pangilinan na ang Pangulo lamang at ang iba pang opisyal ng administrasyon ang naniniwala na excellent ang performance ni Duque.

Inihayag naman ni Senator Panfilo Lacson na baka ang ibig sabihin ng Pangulo ay hindi “hero” kungdi “hilo”.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *