Pagtutok sa standard contracts at sistema ng pag-rescue sa OFWs, ipinanawagan ng ilang kongresista

Iginiit ni OFW Party-list Representative Marissa Magsino na napapanahon nang isulong ang mga reporma upang maiwasan na ang pang-aabuso sa mga overseas Filipino worker.

Pahayag ito ni Magsino matapos masentensyahan ng labing-anim na taong pagkakakulong ang pumaslang sa OFW mula sa Kuwait na si Jullebee Ranara.

Ayon sa mambabatas, bagama’t kalugod-lugod ang mabilis na resolusyon ng kaso at paggulong ng hustisya para kay Ranara ay mahalagang itaguyod pa rin ang mas matibay na bilateral agreements sa mga bansa.

Kabilang na rito ang standard contract, sistema para sa pag-rescue sa distressed workers at pag-iimbestiga ng pang-aabuso at pagpatay.

Sang-ayon din si House Overseas Workers Affairs Committee Chairman at KABAYAN Party-list Representative Ron Salo na marami pang hakbang ang dapat gawin upang maprotektahan ang mga Pilipino abroad.

Dapat aniyang magpatuloy ang pagtutulungan ng Philippine government at international community upang masiguro ang kaligtasan at kapakanan ng Filipino Migrant Workers.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *