Palarong Panlalawigan 2024 umarangkada na

CAMARINES NORTE – Umarangkada na ang Palarong Panlalawigan 2024 na unang pagkakataon na face- to- face lahat ang sports competition pagkalipas ng tatlong taong pandemya.

Sinimulan ang aktibidad sa pamamagitan ng parada at pagkatapos ay nagkaroon ng opening program sa Eco- athletic field dito sa bayan ng Daet.

Sa kaniyang talumpati sa pagbubukas ng Palaro, binigyang diin ni Camarines Norte Schools Division Superintendent Crestito Morcilla na malaki ang ginagampanang papel ng sports para sa wholistic development ng mga estudyante.

Aniya, kailangan ang sports para magkaroon ng tinatawag na “well rounded” personality ang isang tao.

Hindi lang kasi umano ang pag- iisip  at puso ang nililinang ng sports kundi maging ang pangangatawan.

Ipinaalala rin ni Morcilla na ang sports ay hindi lang tungkol sa panalo at pakikipagtunggali kundi nagtuturo din ito ng mga leksyon sa buhay na siyang huhubog naman sa pagkakaroon ng “well- rounded discipline at pagiging matatag ng isang tao.

Target din umano ngayon ng Camarines Norte na makuha ang kampeonato sa Palarong Bicol 2024 na gaganapin sa mga lungsod ng Legazpi, Ligao at Tabaco sa darating na Abril.

Sa mensahe naman ni Governor Ricarte “Dong” Padilla na binasa ni Executive Assistant III Antonio Suhitado Jr., OIC ng Provincial Sports Development Unit,  hinimok nito ang lahat ng participants na hindi lang maging larawan ng patas na paglalaro, respeto at teamwork kundi magsilbi raw sanang platform para lumikha ng pagkakaibigan at maging inspirasyon sa bawat isa.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *