Pang-ihip sa birthday candle na dinesenyo upang maiwasan ang hawaan ng COVID-19, naimbento sa U.S

Henrico, Virginia—Dahil sa paglaganap ng COVID-19 pandemic sa iba’t-ibang bahagi ng mundo, may mga bagay na karaniwann nating ginagawa noon ang hindi na maaaring gawin pa ngayon bilang bahagi ng ating pag-iingat kontra sa coronavirus.

Binawal rin ng pamahalaan ang mga maramihang pagtitipon o pagdaraos ng mga okasyon gaya ng birthday parties, dahil madalas itong nagiging sanhi ng hawaan ng COVID-19.

Kaya naman isang lalaki sa Henrico, Virginia USA ang nakaimbento ng isang instrumento na pwedeng gamitin na pang-ihip sa birthday candle na magpipigil sa droplets ng laway na kumalat sa cake.

Ayon kay Mark Apelt na siyang gumawa ng nasabing imbensiyon, ang pagiging saksi niya sa isang insedente kung saan kumalat ang saliva droplets ng batang birthday celebrant na kanyang pinuntahan ang nagtulak sakanya para gawin ang “birthday candle extinguisher”.

Pinangalanan o tinawag niya itong “Blowzee” na pinagbuhusan niya ng oras habang nasa gitna ang lahat ng lockdown bunsod ng pandemya.

Ang “Blowzee” ay mayroong propeller na siyang pagmumulan ng hangin na papatay sa apoy ng kandila at hindi ang direktang hangin mula sa bibig ng iihip sa birthday candle kaya maiiwasan ang pagtalsik ng laway mula sa celebrant.

Marami na ang tumangkilik sa napapanahong imbensyon ni Apelt at katunayan ay maaari na rin itong mabili, online. -30- || JUMEL DELA ROSA

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *