Paniningil ng pass-through fees ng LGU sa mga national roads, pinatitigil ni PBBM

Pinatitigil ni Pangulong Bongbong Marcos ang mga local government unit sa paniningil ng “pass through fees” sa lahat ng mga sasakyan na nag ta-transport ng mga goods at merchandize na dumadaan sa mga national roads o kalsadang hindi pinondohan ng LGU.

Sa tatlong pahinang Executive Order no. 41 na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin na may petsang September 25, nakasaad na bawal nang mangolekta ang LGU ng mga bayarin tulad ng sticker fees, discharging fees, delivery fees, market fees, toll fees, entry fees, o Mayor’s Permit fees, na ipinapataw sa lahat ng mga sasakyang nagdadala ng kalakal.

Binigyang-diin ng EO na ang hindi awtorisadong pagpapataw ng pass-through fees ay may malaking epekto sa gastos sa transportasyon at logistics, na kadalasang inililipat sa mga mamimili at sila ang pumapasan sa pagtaas ng mga bilihin.

Ang pagbawas sa gastos sa transportasyon ay isa sa mga haligi ng 8-point socio-economic agenda ng Administrasyon, at ang pag tiyak sa mabilis na transportasyon ng mga produkto ay isa sa mga estratehiya para sa pagpapalakas ng lokal na industriya sa ilalim ng Philippine Development Plan 2023-2028.

Inatasan naman ang DTI, DOTr, DPWH, ARTA, at DOF na tiyakin ang pagsunod dito ng mga LGU.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *