Panukalang amiyenda sa Rice Tariffication Law, aprubado na sa committee level sa Kamara

Lusot na sa House Committee on Agriculture and Food ang mga panukalang batas na mag-aamiyenda sa Rice Tariffication Law bilang tugon sa mga nararanasang suliranin sa pagtaas ng presyo ng bigas sa bansa.

Sa pagpapatuloy ng pagdinig ngayong araw, nag-mosyon si ABONO Party-list Representative Robert Raymund Estrella upang aprubahan ang House Bills 212, 405, 1562, 9030, 9547 at House Resolution Number 1614.

Walang tumutol sa mosyon ni Estrella kaya tutuloy na sa Ways and Means Committee ang RTL amendments para sa tax provisions.

Bago ito, tinalakay sa komite ang rekomendasyon na gawin nang regular na mandato ng National Food Authority ang interventions o paggawa ng mga hakbang sa tuwing may nararanasang “extraordinary price increase” sa bigas.

Nais din ni Marikina City Second District Representative Stella Quimbo na maisama na sa depinisyon ng “emergency situations” ang problema sa pagsipa ng presyo ng bigas at kakulangan sa suplay.

Sa pamamagitan nito, maaari nang gamitin ng NFA ang buffer stock hindi lamang sa panahon ng kalamidad kundi kapag napakataas ng presyo ng bigas at ire-replenish o papalitan gamit ang buffer fund sa sandaling maubos ang suplay.

Suhestyon din ni Quimbo na palawakin ang listahan ng mga bebentahan ng bigas ng NFA at dapat tiyakin na pahihintulutan lamang ito na bumili ng imported bilang “last resort” o kapag wala nang mapagkuhanan sa domestic o lokal.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *