Panukalang budget sa 2024, lusot na sa Kamara

Tuluyan nang inaprubahan ng Kamara ang panukalang budget sa susunod na taon na nagkakahalaga ng 5.768 trillion pesos.

Sa botong 296 affirmative, tatlong negative at zero abstentions, ipinasa sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill Number 8980 o ang 2024 General Appropriations Bill.

Pero bubuo ang Mababang Kapulungan ng isang small committee na kakalap at magsasapinal ng individual amendments at itinakda ang deadline sa September 29.

Ayon kay House Speaker Martin Romualdez, ang “timely” o tamang oras na pag-apruba ng panukalang budget ay hindi lamang pagtugon sa constitutional role ng Kamara kundi pagpapamalas din ng dedikasyon na magsilbi nang may transparency at accountability sa mga Pilipino.

Sa kanya namang explanation ng “no” vote, binigyang-diin ni Gabriela Party-list Representative Arlene Brosas na walang malinaw na diskusyon sa amendments at naging “selective” ang pagbibigay ng kasaganaan sa mga ahensya ng gobyerno na magreresulta sa kickback lalo na sa infrastructure projects.

Bagama’t bumoto ng yes, inilatag ni Albay Representative Edcel Lagman ang kanyang reservations sa 2024 GAB kabilang ang panawagan na alisin ang confidential at intelligence funds sa mga ahensya ng gobyerno na hindi entitled makatanggap nito.

Gayundin ang pag-reallocate ng kontrobersyal na pondo sa mga sektor ng edukasyon, kalusugan at iba pang social services.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *