Panukalang Rental Housing Subsidy Act para sa mga mahihirap, isinusulong ni Sen. Go

Isinusulong ngayon ni Senador Christopher Bong Go ang panukalang batas na magbibigay ng oportunidad sa mga mahihirap na pamilya na magkaroon ng desenteng matitirahan.

Sa kanyang co-sponsorship speech sa ginanap Senate Session, sinabi ni Go na dahil sa COVID-19 ay mas lalong lumala ang kalagayan ng marami nating kababayan na ninirahan sa mga urban centers tulad ng Metro Manila.

Maliban kasi sa problema sa kalusugan nagdulot din ng negatibong epekto ang pandemya sa ekonomiya kung saan maraming mga Pilipino ang nawala ng trabaho.

Dahil dito sinabi ni Go na napapanahon ang pagpasa ng Senate Bill No. 2393 o Rental Housing Subsidy Act of 2021.

Layon umano ng naturang batas na makabuo ng housing at social protection program para matiyak na ang mga eligible Informal Settlers Beneficiaries ay magkakaroon ng access sa formal housing market sa pamamagitan ng rental subsidy.

Nakasaad sa panukala na makakatanggap ang mga Informal Settler Beneficiaries o ang mga indibidwal na naninirahan sa mga squatter’s area ng rental subsidy na nagkakahalaga ng Php3,500 habang hinihintay na matapos ang permanent housing project para sa mga ito.

“Mr. Chair, kaya ko po inihain ang panukalang batas na ito dahil hangarin po natin na wala nang squatter sa ating sariling bayan,” bahagi ng pahayag ni Go.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *