Pastor Apollo Quiboloy, ipina-subpoena na rin ng Kamara

Naglabas na rin ng subpoena ang Kamara laban kay Kingdom of Jesus Christ founder, Pastor Apollo Quiboloy.

Ito’y kaugnay sa isyu ng prangkisa ng Swara Sug Media Corporation na nagpapatakbo ng Sonshine Media Network International o SMNI at ang mga akusasyon ng pagpapakalat umano nito ng “fake news”.

Batay sa isinapublikong kopya ng subpoena ng Office of the House Speaker, pinahaharap si Quiboloy sa pagdinig ng Committee on Legislative Franchises sa darating na March 12.

Sa sandaling mabigo si Quiboloy na dumalo sa pagdinig ay posible itong i-cite for contempt.

Minabuti ng komite na mag-issue ng subpoena kasunod ng di pagdalo ni Quiboloy sa mga pagdinig noong December 5, 11 at February 7.

Ayon kay Surigao del Sur Second District Representative Johnny Pimentel, mahalaga ang presensya ni Quiboloy sa inquiry dahil siya umano ang “main actor” at maraming mga tanong ang nangangailangan ng kanyang paglilinaw partikular ang isyu sa ownership ng Swara Sug.

Sa huling pagdinig noong February 7, iginiit ng legal counsel ng SMNI na si Atty. Mark Tolentino na si Quiboloy ay “honorary chairman” ng network at walang aktibong partisipasyon sa operasyon nito.

Gayunman, nanindigan ang mga kongresista na aktwal na “beneficial owner” ng Swara Sug at SMNI ang pastor kung saan ito regular na umeere.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *