‘Patuloy na pagtaas ng COVID-19 cases sa Visayas, Mindanao, posibleng community transmission at di galing sa NCR plus’

Hindi kumbinsido ang Malacañang na galing sa Metro Manila ang mga bagong kaso ng covid-19 na naitatala ngayon sa ilang panig ng Visayas at Mindanao.

Sinabi ni Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque na wala silang nakikitang problema sa border control sa panahong umiral ang travel bubble sa NCR plus. 

Ibig sabihin aniya nito, matagal din na ipinagbawal na makatawid ang mga taga Metro Manila, Bulacan, Rizal, Cavite at Laguna patungo sa ibang mga lugar sa bansa maliban na lamang sa mga authorized persons outside of residence (APOR). 

Aayon kay Sec. Roque, mas mataas ang posibilidad na dahil sa community transmission ang patuloy na pagtaas ng kaso ng covid-19 sa Visayas at Mindanao dahil na rin sa pagkalat ng mga bagong covid-19 variant. 

Sa pinakahuling datos, bumababa na umano ang mga naitatalang kaso ng sakit sa NCR plus subalit, patuloy naman na nakikitaan ng pagtaas sa ilang lalawigan at siyudad sa bansa kabilang ang Puerto Princesa City sa Palawan, Zamboanga City, Cagayan De Oro City, Ilo-ilo City, Negros Oriental at Davao City.// CLAY MARQUEZ

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *