PBBM, sinuspinde na si LTFRB Chair Teofilo Guadiz

Agad ipinag-utos ni Pangulong Bongbong Marcos ang pagsuspinde kay Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III.

Kasunod ito ng pagputok kahapon ng kontrobersya kaugnay sa akusasyon ng korapsyon at iregularidad sa loob ng ahensya na kinasasangkutan ng nabanggit na opisyal.

Sa statement na inilabas ng Office of the President kagabi, nakasaad na hindi kinokonsenti ng Presidente ang anumang misconduct ng mga opisyal ng gobyerno sa ilalim ng kanyang administrasyon.

Ipinag utos na rin ng Punong Ehekutibo ang pagsasagawa ng agarang imbestigasyon.

Mariin din nitong kinokondena ang dishonesty at pagiging mapanlinlang ng mga nasa public service.

Pinagpapaliwanag naman ng Department of Transportation o DOTr si Guadiz III dahil sa alegasyon ng korupsyon at iregularidad sa loob ng ahensya.

Sa pahayag ni Transportation Secretary Jaime Bautista, sinabi nitong ikinakasa na nila ang imbestigasyon kaugnay sa mga naturang akusasyon.

Mayroon ding ibinigay na notice to explain matapos ring akusahan ang opisyal ng misconduct kaugnay ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).

Nanindigan ang DOTr na walang lugar sa kanilang ahensya ang corruption upang tiyakin ang tapat na pamamahala sa kanilang hanay.

Dagdag pa nito na patuloy nilang tutugisin ang mga opisyal na lumalabag sa kanilang tungkulin at nang-aabuso sa kanilang mga posisyon.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *