PH economy, posibleng lumago muli sa Q2 ng 2021- DOF

Posible umanong lumago na muli ang ekonomiya ng bansa sa ikalawang quarter ng 2021 dahil sa malawakang vaccination program ng pamahalaan at pagbaba ng COVID-19 cases. 

Ayon kay Finance Secretary Carlos Dominguez, kung maide-deliver ng mga dayuhang manufacturers ang pangakong doses ng mga vaccines, magkakaroon ang Pilipinas ng sapat na bakuna para mabakunahan di lamang 70 milyong mga adult Filipinos, kundi pati na rin 15 milyong mga teenagers sa oras na maaprubahan na ang bakuna para sa kanila. 

Aniya, humupa na ang ikalawang wave ng infections na nagsimula noong katapusan ng Marso at umaasa ang pamahalaan na ito na ang huling COVID-19 surge.

Dagdag ng kalihim, pino-proseso na rin ng gobyerno ang negosasyon para sa booster shots sa susunod na taon. 

Mababatid na isinailalim ang Metro Manila at mga kalapit nitong mga probinsya na Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal sa lockdown noong Marso dahilan para magsara muli ang ilang negosyo at industriya.

Sa ngayon ay nakasailalim na sa general community quarantine (GCQ) ang NCR Plus bubble with heightened restrictions hanggang May 31. 

Matatandaang bumaba ang gross domestic product (GDP) ng bansa sa 4.2 percent sa unang quarter, ang ikalimang sunud-sunod na contraction. 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *