Philippine Army desididong tapusin na ang insurhensiya sa Bicol Region

CAMARINES NORTE – Desidido ang 9th Infantry Division Philippine Army at ang Joint Task Force Bicolandia na tapusin na ang insurhensiya sa Bicol Region sa lalong madaling panahon alinsunod sa kautusan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.at polisiya ng Department of National Defense (DND).

Ito ang inihayag ni Major General Adonis Bajao, Commander ng 9ID sa Press Briefing noong Sabado, December 16, sa headquarter nito sa  San Jose Pili, Camarines Sur kasabay ng 9ID Press Corps Christmas Party and Fellowship.

Ito umano ay upang maituon na ng sandatahang lakas ng Pilipinas ang atensyon sa external defense na  nagsisilbing mas malaking banta sa ngayon.

Ayon kay Bajao makamit na sana ng rehiyon ang tunay na kapayapaan at kaunlaran dahil marami na ang naapektuhan at nagbuwis ng buhay hindi lang mga sundalo at rebelde kundi maging ng mga sibilyan na naiipit sa bakbakan sa mga lugar na may presensya ng Communist Terrorist Group.

Marami na umano ngayong ginagawang hakbang ang gobyerno upang hikayatin ang mga rebelde na magbalik loob at mamuhay ng tahimik.

Kabilang sa programa ay ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF- ELCAC).

Pagkatapos umano ng clearing operations ng mga sundalo sa mga lugar na nagkaroon ng bakbakan ay nagkakaroon ng retooled community support program kung saan ang iba’t- ibang ahensiya ng pamahalaan ay  pumupunta sa lugar na apektado ng kaguluhan para maghatid ng mga serbisyo at pagbibigay ng suporta sa Barangay Development Program.

Ayon pa kay Bajao, hindi lang nakatuon sa military operations ang Philippine Army kundi sa disaster response lalo na dito sa Bicol na madalas tamaan ng kalamidad.

Katulong din umano sila ng kapulisan sa law enforcement at pagbabantay sa mga paaralan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *