Philippine Army sa Bicol pabor sa localized peace talks

CAMARINES NORTE- Pabor ang Philippine Army sa Bicol Region na magkaroon ng localized peace talks sa mga rebeldeng New People’s Army.

Ito ang inihayag ni  Major General Alex Luna,  Commander ng 9th Infantry Division sa isinagawang Press Conference sa Camp Elias Angeles, Pili, Camarines Sur nitong Biyernes, September 23,na dinaluhan ng mga opisyal ng 9th ID Press Corps mula sa Albay, Camarines Norte at Sorsogon.

Ayon kay Luna mas maganda kung ang kinakausap  ay ang mismong mga nangugulo sa rehiyon partikular ang mga miyembro ng Bicol Regional Party Committee at hindi sa national level.

Paliwanag ng opisyal na mas epektibo kung gawin ang peace talks sa kada rehiyon sa tulong ng mga lokal na opisyal.

Hindi umano siya sang -ayon sa ginagawang peace talks sa national level at kung minsan pa nga ay ginagawa ang pag uusap sa ibang bansa.

Aniya ilang beses nang ginawa ang ganitong klase ng peace talks pero sinasamantala umano ito ng CPP- NPA para mag recruit at mangalap ng pera sa ibang civilian agency at ina- ambush ang mga sundalo at pulis at kung minsan ay may mga sibilyan na nadadamay.

Anticipated na rin umano ng Philippine Army ang mga posibleng karanigan ng CPP -NPA at mayroon naman talaga aniyang solusyon dito.

Kailangan lang umano na pag ibayuhin o iimplement ang mga solusyon sa pamamagitan ng pagtutulungan.

Naniniwala ang opisyal na kapag nagawa umano ito ay mawawala na ang insurgency sa rehiyon.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *