PHIVOLCS, pinabulaanan ang impormasyong may lumalabas na lava mula sa lava caves ng Bulkang Mayon; mga larawan ng lava caves, mukha umanong luma na

LEGAZPI CITY – Kinumpirma ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na mukhang luma na ang mga kumakalat na larawan sa social media kahapon tungkol sa namataang ‘lava cave’ umano sa Bulkang Mayon sa lalawigan ng Albay partikular sa bahagi ng Basud Gully.

Ito ay kasunod ng naitalang insidente bandang alas 5 ng hapon kahapon na ang bulkan ay bumuga ng mala-cauliflower na usok.

Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay PHIVOLCS Resident Volcanologist Dr. Paul Alanis, sinabi niya na maaaring dulot pa ito ng mga naunang pagputok na posibleng mas matanda pa sa mga sumakop na Kastila sa bansa at hindi naman maiuugnay sa kasalukuyang pag-aalburoto ng bulkan.

Aniya, ito ay tinatawag ding lava tunnel o lava tube na sa ngayon ay hindi pa nakikita nang aktwal ng PHIVOLCS at hindi pa maaaring mapuntahan sapagkat mapanganib dahil sakop ito ng permanent danger zone na posibleng nasa loob ng 4 na kilometro.

Ayon kay Alanis, nagkakaroon talaga ng mga lava caves ang isang bulkan at isa rin umano itong outlet para sa lava subalit, pinabulaanan niya naman ang mga kumakalat na impormasyon na mayroong lumalabas na lava mula sa umano’y lava cave sa Mayon.

Wala umanong ibang pinaglalabasan ng lava kundi ang crater lamang ng Mayon ayon mismo kay Alanis.

Samantala, delikado pa rin aniya ito kaya paaalala niya na huwag na huwag papasok sa mga idineklarang permanent danger zones.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *