PHO nagbigay ng paglilinaw hinggil sa kasalukuyang COVID-19 Alert Level status ng Camarines Norte

CAMARINES NORTE- Nagbigay ng paglilinaw ang Provincial Health Office hinggil sa kasalukuyang  COVID- 19 Alert Level status sa lalawigan ng Camarines Norte.

Sa isinagawang Press Briefing nitong Lunes, April 24, nilinaw ni  Provincial Health Officer Dr. Arnel Francisco na sa ngayon ay walang dapat ipangamba ang publiko kasunod ng ipinalabas na abiso ng Department of Health at IATF hinggil sa kasalukuyang Alert Level.

Ayon kay Francisco, wala naman talagang nabago dahil dati nang nasa Alert Level 2 ang probinsiya pero ang limang munisipyo nito ay nasa Alert Level 1.

Kabilang sa mga munisipyong nasa ilalim na ng Alert Level 1 ay ang Daet, San Vicente, Basud, Capalonga at Talisay.

Paliwanag ni Francisco na kaya nasa Alert Level 2 pa ang probinsiya ay dahil sa mababa pang vaccination coverage.

Sa unang criteria umano sa bakuna ay pasok na ang lalawigan dahil naabot na nito o nalagpasan pa ang 80 % sa over- all accomplishment na sa ngayon ay nasa 82. 8 % na.

Pero pagdating sa senior citizen ay hindi pa umabot ng 80 % na sa ngayon ay nasa 75.9 % palang.

Kung maabot aniya ang 80 % na vaccination coverage sa senior citizen ay maaari nang maibaba sa Alert Level 1 ang probinsiya.

Tungkol naman sa pagtaas ng kaso ng COVID- 19 sinabi ni Francisco ibang mag interpret ng data ang DOH at IATF.

“Tumaas siya in the sense na dati kasi sabi ko, zero tayo, kapag zero, tapos may nag positive na isa, from zero to isa magiging 100 % na po yun, pag dalawa di 200 % di ba, so ganun sila mag interpret pagdating sa data ano.”

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *