PHO walang nakikitang mali sa hindi agad pag- aanunsiyo ng brand ng bakunang ituturok sa mga vaccination centers

CAMARINES NORTE- Walang nakikitang mali ang Provincial Health Office (PHO) sa ipinalabas na direktiba ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at ng Department of Health (DOH) sa mga Local Government Units kamakailan na huwag inanunsiyo ang brand ng bakuna na gagamitin sa isang partikular na vaccination center.

Ayon kay acting Provincial Health Officer Dr. Arnel Francisco, maging ang PHO ay implementor lang ng mga advisory at direktiba mula sa nakatataas na opisina kaya’t kailangan nila itong sundin.

Aniya,  ang iniisip lang ng DOH at DILG ay kailangan itong gawin upang mapabilis ang vaccination rollout na ayon umano sa mga observer ay napakabagal kung ikukumpara sa ibang bansa.

Kapag inaanunsiyo daw kasi kaagad ang brand ng bakuna ay namimili ang mga tao sa tinatawag na “very effective at less effective” pero ang totoo aniya ay ang epektibong bakuna ay ang mayrooon tayo ngayon.

Sabi pa ni Francisco na huwag nang maghanap ng ibang brand dahil hindi lang sa Pilipinas may kakulangan ng bakuna kundi sa buong mundo.

“May mga tao kasi na namimili ng bakuna ano, because of the percentage, tinitingnan nila yung percentage ng effectivity ng bakuna no, katulad ng Pfizer na 95- 96 % ang affectivity, kumpara mo sa Sinovac which is 60 % lang so nagkakaroon ng choice,” ani Francisco.

“Pero sabi nga ng DOH ang nakapaka epektibong bakuna ay yung meron kana at yung meron na dito, huwag kanang maghanap kasi ang sinasabi po natin na ang bakuna po talaga ay hindi lang naman dito sa Pilipinas ang may kakulangan kundi buong mundo po yan, may kulang po talagang produksyon ng bakuna so kung anong meron tayo ibigay na natin at tanggapin na natin.”

Nauna nang sinasabi ng DILG na ang direktiba sa mga LGU na huwag inanunsiyo ang ituturok na bakuna ay upang maiwasan din ang pagkasayang nito dahil lang sa vaccine preference ng mga tao.

Pero malalaman din naman umano ng mga babakunahan ang brand na ituturok sa kanila kapag ang mga ito ay nasa vaccination center na.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *