Photographer na nagcarnap ng motor, arestado; suspek, nakunan pa ng shabu

LEGAZPI CITY – Nahuli na ng mga otoridad ang isang photographer na suspek sa pangka-carnap ng motor sa bayan ng Daraga.

Kinilala itong si alyas “Mark”, residente ng Purok 1, Brgy. Malipo, Guinobatan at naaresto sa Purok 2, Brgy. Salugan, Camalig.

Ayon sa report, tumungo sa himpilan ng pulisya ang biktimang si alyas “Pedro”, 58 anyos, negosyante, taga-Purok 7, Brgy. Binitayan, Daraga noong Enero 30, 2024 upang i-report na nawawala ang kanyang motor.

Agad namang nagpadala ng investigator at intelligence operatives ang himpilan upang magsagawa ng ocular inspection at imbestigasyon.

Na-review din ang CCTV sa lugar at dito napag-alaman ang pagkakakilanlan sa suspek, saka isinagawa ang operasyon.

Dagdag pa rito, nakita ng mga operatiba na nakasakay pa rin ang suspek sa carnapped na motorsiklo dahilan para ito ay pahintuin sa kalsada.

Samantala, narekober din sa kanya ang dalawang piraso ng heat sealed transparent plastic sachet ng pinaniniwalaang “shabu”.

Nasa kostudiya na ng pulisya ang suspek para sa kaukulang disposisyon.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *