Piitan sa Camarines Norte nilibot ng Regional Director ng BJMP

CAMARINES NORTE – Nilibot ng mismong Regional Director ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Region 5 na si Jail Chief Superintendent Joel Superficial kasama ang ilan pang opisyales ng BJMP Regional Office 5 ang mga piitan sa Camarines Norte na nasa ilalim ng pamamahala ng BJMP.

Una nitong pinuntahan at masusing ininspeksyon ang Labo District Jail na nasa Barangay Masalong, Labo at sumunod ang Daet District Jail Annex na kasalukuyang inookupa ang lumang gusali ng Labo District Jail.

Dumiretso ang inspection team kasama ang Provincial Jail Administrator ng probinsya na si Jail Senior Inspector Ramon Rafer sa Daet District Jail at katulad sa mga naunang piitan, ay nagsagawa rin ng “Talk To Troops” kung saan bawat dibisyon ng kawanihan sa rehiyon katulad ng Personnel Records Management, Human Resources Development, Health, Welfare and Development, Intel/Investigation, Paralegal, Operations, Logistics, at iba pa ay nagbigay ng update at binigyang linaw ang ilang isyu o problemang kinakaharap ng mga jail units.

Sa isyu ukol sa pagsisikip sa mga piitan partikular sa Daet District Jail at sa panukalang mailipat ang ilang Persons Deprived of Liberty (PDL) sa Daet District Jail Annex, siniguro ng Regional Director na magbababa agad ng memo ang rehiyon oras na maaprubahan na ito ng DILG at BJMP National Headquarters.

Ayon naman sa Provincial Jail Administrator na si Jail Senior Inspector Rafer, malaking bagay umano ang pagbisita ng RD dahil personal na nakikita nito ang sitwasyon at mga pangangailangan ng mga kulungan. Naipapaabot din sa kanya ang mga isyu at usapin na kung masosolusyunan ay magiging puntos upang makapagbigay pa ng mas maayos na serbisyo ang mga district jails sa Camarines Norte.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *